Nuong una, nalilito ako. Sino ba naman kasing matinong tao ang gustong maging DJ, rap artist, programmer, orator (public speaker) at isang writer (Take note: gusto kong maging ang lahat nang iyan). Kumbaga, gusto kong maging DJ/rap artist/programmer/orator/writer. Slash, slash, and slash.

Pero obvious naman na di ko maaring gawin ang lahat nang iyan, na hindi maaring maging ako ang lahat nang yan. Sa ngayon, masasabi kong isa na akong programmer at writer; orator baka malapit na.

Bilang Programmer, nai-eexpress ko ang sarili ko sa mga codes na naisusulat ko. Alam kong ang software na nagagawa ko ay may parte nang pagkatao ko. Hindi ko man  maipakilala ang sarili ko nang buo, alam ko namang magiging kapaki-pakinabang sa iba ang codes na inire at ipinanganak nang malikot kong isipan. Pero sa pagsusulat ko talaga tuluyang nailalabas ang sarili ko. Wala nang pwedeng itago; labas kung labas.

Ngayon narealize ko na isa lang naman pala talaga ang gusto ko; kung ano ang “common point” sa lahat nang propesyong gusto ko: ang pagnanais na “mai-express” at maipakilala ang sarili ko.

Nag-ugat siguro ang kagustuhan kong iyan sa kasaysayan nang kabataan ko. (Oh… you have read it right. Time for flashback.) Nuon kasi, maituturing kong ang sarili ko na “invisible”, wala ni isang presensya. Isa lang ako sa milyun-milyong tao na sumasabay lang sa agos nang buhay – wala ni sariling identity. Oo, aaminin ko na, “attention  seeker ako”, papansin kumbaga.

Mahiyain ako nuon at walang imik. Ang lagi nga sa aking biro nang aking lola, na may halong sermon,  ay kahit daw may gumawa sa’ken nang masama ay mananatili lang akong tahimik at hindi man lamang ako lalaban at iimik. Pero tama ang aking lola, ganun nga ako, ayoko kasi nang conflict.

Dati takot akong makipag-usap sa tao, piling ko kakainin nila ko nang buhay. Ayoko kasing kung anu-anong isipin sa’ken nang tao. “basta wag mo kong pakialaman, kasi di rin naman  kita pinapakialaman.”, yan ang motto ko. Kaya ba ayokong mag-initiate nang usapan, para kasing ako mismo ang naglagay nang sarili kong binti sa hukay. Pero dahil umabot ka sa parteng ito nang essay ko, at  para kunwari may pakialam ka, e kunware nagtataka ka na at itatanong mo ito,  “kung ganun naman  pala, baket  nagsulat ka pa nito? Di ba parang ang gulo mo naman.” At oo, magulo talaga kong tao, kaya please kung may gagawin kang iba e gawin mo na, kaysa mabasa mo pa ang mga bagay na matagal kong ikinubli.

Alam kong sa pagsusulat kong ito ay ako mismo ang nagsuksok at nagpwersa nang hindi lang dalawang binti, kundi buong katawan ko sa hukay. Ngunit sa pagdaan nang panahon, nalaman ko na  hindi naman pala ganuon kalalim ang hukay na iyon, na ako rin naman pala ang gumawa nang hukay na matagal kong kinatakutan nuon.

Pero sinong mag-aakala na ang minsang uhugin, na laging nakakulong sa imahe nang isang mahiyaan, tahimik at mabaet na bata, ay magiging mapusok, na handang hubarin ang kanyang maskara para lamang ipakita sa iba kung sino ba talaga siya. Kahit ako, hindi ako makapaniwala na ang minsang pinakamabigat kong kahinaan at pinakamalaki kong kinatatakutan nuon ay siya palang  pinakagusto kong gawin at ang aking magiging kalakasan.

Ayon sa isang kasabihan (kung meron nang ganitong kasabihan) : “kung ano ang wala ka nung bata ka, yun ang hahanap-hanapin mo sa pagtanda mo.” Siguro nga ganyan ang nangyari sa akin. Hindi man ganuon kasaya ang kabataan ko, o kasing kulay gaya nang mga kaedad ko, ay hindi ako nagsisisi. Dahil ang mga karansang iyon ang rason kung paanong ang tahimik at mahiyaing bata ay naisulat ang kwentong tumatalakay sa kanyang sariling kahinaan. Dahil may katapangan at kalakasan sa pagiging mahina.

Advertisements