+++Ngayon ko lang narealize kung bakit maraming tao ang nagpipilit sa existence ng forever. Bakit nga na naman kasi hindi, kung sa forever lang naglalaho ang konsepto ng ending. Pero ano ba namang masama sa ending? Hindi ba mayroon namang masayang ending?

+++Wala naman talagang happy ending. Dahil sa mga pelikula at telebisyon lang naman nauso ang term na iyon. Kung tutuusin, ang tinutukoy na happy ending sa mga pelikula at telebisyon ay yung katapusan ng kwento; hindi yung ending nung mga karakter. Eto ang isang halimbawa: may isang prinsesang kumain nang mansanas na may lason. Namatay siya, ngunit pagkalipas nang ilang araw ay dumating ang kanyang prinsepe. Sa nakapagtatakang dahilan ay nabuhay ang prinsesa pagkatapos siyang halikan nito. At syempre alam niyo na ang kasunod, sila’y nabuhay nang masaya habambuhay. Ngunit, paano tayo nakakasiguro na naging masaya nga sila habambuhay? Hindi kaya tinamad na lang mag-isip ang manunulat kaya tinapos niya na lang ito sa isang kasalan? Wala tayong paraan para malaman pa sapagkat duon niya naisip tapusin ang kwento.

+++ Ang buhay ay paikut-ikot lang. May nag-uumpisa, may nagtatapos, sunod may maguumpisa ulit, at may magtatapos ulit. May nag-uumpisa, may nagtatapos, sunod may maguumpisa ulit, at may magtatapos ulit. Paulit-ulit lang, parang itong talata lang na to.

+++Mayroong mga sitwasyon na parang gusto na nating matapos agad, ngunit kapag dumating naman na ang katapusan ay saka naman tayo malulungkot. Nakakabaliw. May piling mga pangyayari ang maaring makapagpadama sa atin nito, tulad nang pagtatapos ng isang semester ng pasukan. Pero isa lang naman ang ibig sabihin nito: na naging masaya tayo sa mga panahong iyon, na para bang natapos na rin ang ating kaligayahan, kasabay nang pagtatapos ng mga pagsubok na kakabit ng mga sandaling iyon. Ngunit sa halip na malungkot ay dapat nga maging masaya pa tayo dahil nangyari iyon. Maswerte tayo dahil nasulit natin ang pagkakataon, dahil mayroong mga taong hindi nakadarama nang kahit ano tuwing may nagtatapos sapagkat hindi naman talaga sila naging bahagi ng kwento.

+++“Every ending is a new beginning.” Hindi man natin mapipigilan ang nakakalungkot na pagdating ng katapusan, ay masasalubong naman natin ang mga susunod na kabanata nang may ngiti. Sapagkat laging may kasunod na kwento sa bawat pagtatapos, at ang tunay na ending ay magaganap lamang kapag tuluyan nang tumigil sa pag-ikot ang mundo.

+++Ang highlights ng buhay ay wala sa umpisa o katapusan; kundi nasa pagitan. Huwag na natin hintayin pang matapos ang isang kwento bago natin enjoyin. Gawin na natin ang lahat nang bagay na maari nating panghinayangan sa huli, dahil kadalasan ay maiksi lamang ang mga kwento at hindi natin alam kung kelan ito magtatapos.

+++Sana nga may forever na lang para di na natin kailangan pang maranasan ang pagkawalay sa mga taong napamahal na sa atin, ang pagtatapos ng masasayang alaala, at ang pagkawala ng bagay o tao na mahalaga sa atin. Pero hindi kaya sinadya talaga nang tagapaglikhang magkaruon nang katapusan ang bawat kasiyahan, alaala, karanasan at buhay para magawa natin silang pahalagahan? Dahil tulad nang isang manunulat, ang Diyos lamang ang may kakayahang diktahan ang magiging kahihinatnan ng ating mga kwento. At siguro nga isa itong malaking scheme nang Diyos upang iparating sa atin na dapat nating ingatan at ipagpasalamat ang bawat tao, bagay, at karanasan na dumarating sa atin, dahil kagaya nang essay na ito, ang ating kwento ay may wakas. THE END.


Dedication Para to sa mga taong mamimiss ko ngayong semester. Sa mga kagrupo ko sa Soft. Eng., sa mga tropa ko at naging tropa ko, sa mga kagrupo ko na, at magiging kagrupo ko sa pa Capstone, at sa lahat nang mga naging professor at kaklase ko this sem.

Advertisements